Sa gitna ng mabilis na urbanisasyon at bilyun-bilyong pisong pondo para sa mga makabagong imprastraktura at proyekto sa pagkontrol sa baha, dinudugtong ng Linawan Bridge ang Brgy. Muzon East at Brgy. Bulac, Sta. Maria. Sa likod ng mga makabagong istrukturang yari sa semento at bakal, tila unti-unti namang natatabunan ang mga lumang kuwento at kasaysayan ng ilog na nagbigay-buhay sa komunidad noon.

Ayon sa isang lokal na residente na aming nakapanayam (na piniling manatiling anonimo), nakatira na siya sa tabi ng ilog simula pa noong 1979. Sariwang-sariwa pa sa kaniyang alaala kung paano naging sentro ng buhay at kabuhayan ang ilog na ito.

โ€œNapakalinaw ng tubig noon. Kitang-kita mo ang mga isdang lumalangoy. Kapag Semana Santa, dagsa ang mga taong naliligo rito. Sa tabi lang ng bahay ko, napakayabong ng aking mga pananim,โ€ aniya.

Ngunit malaki na ang ipinagbago ng lahat. Kung noon ay dinarayo ito ng napakaraming tao upang maligo, lalo na kapag Semana Santa, ngayon ay mga lokal na lamang ang madalas na naliligo rito. Dahil malabo na rin ang tubig, hindi na agad makikita ang mga isda. Sa halip, mararamdaman na lamang ang pagdampi ng mga ito sa iyong mga paa bago tuluyang lumayo. Bagamaโ€™t nangingisda pa rin ang ilang lokal sa ilog, maraming oras at malaking tiyaga na ang kanilang ginugugol dahil mas naging mailap ang mga isda. Unti-unti na kasing nasisira ang kanilang tirahan.

Ang dating matabang lupa sa tabi ng bahay ng aming nakapanayam ay natambakan na rin ng graba dahil sa flood control project, kaya sa maliit na bahagi na lamang ng kabilang pampang ng ilog siya nagtatanim.

Hindi lamang ang proyekto ng pamahalaan ang nagpabago sa kaniyang pamumuhay, kundi maging ang pagsulpot ng mga kalapit na housing subdivision. Dahil sa hindi maayos na pagtatapon ng basura at direktang pag-agos ng maruming tubig mula sa mga subdivision, tuluyan nang lumabo ang ilog. Bukod dito, madalas pa siyang mawalan ng mga alagang hayop at pananim dahil sa ilang residenteng pumuputol at kumukuha ng mga ito nang walang pahintulot.

Dahil sa paulit-ulit na paglimot sa kanilang kapakanan, nawalan na rin siya ng tiwala sa sistema.

โ€œHuminto na ako sa pagboto. Wala naman kaming napapakinabangan, puro lang pangako. Ni minsan, wala akong natanggap na ayudaโ€”puro lang salita.โ€